Itinanggi ng Malakanyang ang ulat na exodus o sabay-sabay na pag-alis ng malaking bilang ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Pilipinas sa gitna ng krisis sa COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi ito matatawag na exodus bagama’t karamihan aniya sa mga POGO ang nabigong magbayad ng buwis.
Iginiit ni Roque, malinaw ang naging polisiya ng Department of Finance (DOF) na hindi maaaring magpatuloy ng operasyon ang mga POGO hangga’t hindi nila nasasaayos ang mga naiwang bayarin sa buwis.
Aniya, nasa 20 lamang mula sa 60 mga nakarehistrong POGO sa PAGCOR ang nakasunod na requirement ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Una rito, sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na nakatanggap siya ng impormasyon mula sa may-ari ng isang gusali sa Makati City kaugnay sa pagkansela umano sa kontrata ng ilang mga POGO sa kanilang mga inuupahang puwesto.