Tinugunan na ng Department of Education ang kakulangan ng classroom sa bansa.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, plano nilang umupa sa mga nagsarang pribadong paaralan at iba pang gusali na maaaring magamit bilang pansamantalang mga silid-aralan.
Isa sa mga unang tinitingnang proyekto ay ang Pita Property sa Laguna, dating paaralan na may pitong silid-aralan at iba pang pasilidad, na maaaring gamitin ng mga paaralang kulang sa silid.
Binigyang-diin ng DepEd na ang classroom leasing ay pansamantalang hakbang habang isinasagawa ang pangmatagalang imprastraktura at public-private partnerships sa ilalim ng mga reporma ni Secretary Angara.
Isinagawa ng DepEd ang classroom market scoping activity upang makipag-ugnayan sa pribadong sektor at pag-aralan ang mga modelo ng classroom leasing bilang mabilis na solusyon sa kakulangan nito.




