Agad na maipasasara ang mga malls na mabibigong magpatupad ng physical distancing at inilatag na minimum health standards ng Department of Health (DOH) sa kanilang mga establisyimento.
Ito ang tiniyak ni Joint Task Force COVID Shield Commander Lt. General Guillermo Eleazar, alinsunod na rin aniya sa ipinalabas na kautusan ni DILG Secretary Eduardo Año.
Ayon kay Eleazar, hindi lamang nila ipasasara ang mga malls kundi pangungunahan din ang pagsasampa ng kinauukulang kaso laban sa pamunuan ng mga lalabag na malls.
Dagdag ni Eleazar, ipinag-utos niya na rin sa mga police commanders ang pagsasagawa ng regular inspeksyon sa mga nasasakupan nilang mall para mabantayan ang galaw ng mga tao.
Sinabi pa ni Eleazar, naibigay niya na rin sa mga police commanders ang listahan ng mga malls na nagkaroon ng paglabag sa unang araw ng pagpapatupad ng modified ECQ upang mabigyan ng warning ang mga ito.