Pumalo na sa kabuuang 1,101 ang bilang ng mga health workers na tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, binubuo ang mga ito ng 443 mga doktor, 400 mga nurse, 55 nursing assistants, 32 medical technologists at 21 radio technologists.
Sa mga nabanggit aniyang bilang 26 na ang nasawi kung saan 20 ang mga doktor at anim ang mga nurse.
Nitong nakaraang linggo, nagpahayag na ng pagka-alarma ang World Health Organization (WHO) sa mataas na bilang ng mga nasasawing health workers sa bansa dahil sa COVID-19.
Sinabi ni WHO Western Pacific Region COVID-19 Incident Manager Dr. Abdi Mahamud, batay sa kanilang datos, nasa 13% ang death rate ng mga health works sa Pilipinas na higit aniyang mataas sa 2% hanggang 3% na naitala sa Pacific Region.
Una nang tinukoy na pangunahing dahilan ng pagkasawi ng mga health workers ay ang pagsisinungaling ng mga pasyente kasabay na rin ng kakulangan sa ginagamit nilang personal protective equipment (PPE).