Ipinapatupad na sa NAIA o Ninoy Aquino International Airport ang mas pinabigat na multa para sa mga colorum at abusadong mga drayber ng pampublikong sasakyan.
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal, nagkasundo sila ng LTFRB o Land Transportation Franchise and Regulatory Board na simula pa noong nakaraang linggo naipatupad na rin sa paliparan ang mas malaking multa upang mabawasan ang mga mapang-abusong mga drayber.
Medyo mabigat at mabigat po talaga ito, P120,000.00 sa mga colorum na taxi, P200,000.00 sa mga van at kung meron pang buses eh P2-M ho ‘pag sila ho ay mga colorum.
Mabigat ho ang parusa para naman ho tumino yung mga taong na gumagawa ng iligal na proseso sa ating paliparan.
Samantala, hinikayat ni Monreal ang mga pasaherong na mayroong karanasan sa kamay ng mapagsamantalang drayber na magsumbong sa kanila upang mapanagot ang mga ito.
Valid complain at may complainant , at documented, ‘yung taxi mismo ho nung fleet ng taxi ay hindi na po naming papapasukin.
Ultimatum sa airline companies
Binigyan na ng ultimatum ni MIAA General Manager Ed Monreal ang airline companies at mga ahensyang nag de – deploy ng tauhan sa NAIA o Ninoy Aquino International Airport.
Ito matapos na makuha sa locker ng apat na baggage loader ang mga nawawalang alahas ng may bahay ng Turkish Prime Minister na bumisita sa bansa noong nakaraang linggo.
Ayon kay Monreal, talagang kahiya-hiya ang pangyayari lalo pa’t kasagsagan ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Foreign Minister’s Meeting nang mangyari ang insidente.
Dahil dito, inatasan ni Monreal ang airline companies at mga manpower agency na mag- background check sa mga empleyadong itatalaga sa paliparan.
Bukod dito ay pinag-susumite rin ang mga ito ng monthly incident report upang maupdate ang MIAA sa mga kahalintulad na pangyayari sa paliparan.
‘Pag hindi ho sila tumalima sa aming kautusan, yan ho ay isa sa mga bagay na pag-iibayuhin namin na baka at the end of the day ‘pag hindi ho nila ginawan [ng paraan] magkakaroon ho kami ng cancellation ng kanilang mga kontrata.