Tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na bago lahat ang magiging kagamitan ng militar mula sa barko, tangke, baril at iba pa.
Ito’y makaraang tablahin ng Pangulo ang mga segunda manong kagamitang pandigma na magmumula sa ibang bansa kabilang na ang Amerika.
Sa harap ng mga sundalo ng 102nd infantry brigade ng Philippine Army sa Ipil, Zamboanga Sibugay, sinabi ng Pangulo na tanging sa dalawang bansa lamang kukuha ng mga bagong gamit ang Pilipinas ngunit hindi niya ito pinangalanan.
Hindi na bale aniyang mahal ang mga bibiling kagamitan basta’t matiyak lamang na makasasabay ang mga sundalo ng Pilipinas para tapatan ang mga terorista at iba pang kalaban ng estado.
Kasunod nito, nagpahayag din ng kumpiyansa ang Pangulo sa mga sundalo na matutuldukan nito ang terorismo kahit maraming buhay at oras pa ang kailangang gugulin dito.
By: Jaymark Dagala