Napatunayan ng isang lalaki mula sa United States na basta’t paiiralin ang sipag, tyaga, at determinasyon, siguradong magagawa mong baguhin ang buhay mo. Ang lalaki kasi, mula sa pagiging school janitor for 27 years, na-promote bilang principal ng kaparehong eskwelahan.
Kung paano ito nagawa ng lalaki, eto.
Isang semestre pa lang ang natatapos noon sa kolehiyo ni Joseph ‘Gabe’ Sonnier nang huminto ito sa pag-aaral para tulungan ang kaniyang single mom sa pagtatrabaho at namasukan sa contruction site, grocery store, sawmill, at sa Port Barre Elementary kung saan naging janitor ito sa loob ng 27 taon.
Sa pagtatrabaho ni joseph sa eskwelahan, hindi nito nalimutan ang naging pag-uusap nila ng principal na kinilalang si Wesley noong 1985. Ayon sa principal, gusto siya nitong makita na maging isang educator at markahan ang papel ng mga estudyante sa halip na pulutin ang mga ito.
Ilang taon ang nakalipas, hindi nawala sa puso at isipan ni Joseph ang sinabi ng principal kung kaya walang pagdadalawang-isip itong bumalik sa pag-aaral sa edad na 39-anyos.
Naging routine ni Joseph ang pagpasok sa trabaho ng 5-7 a.m. pagkatapos ng duty ay tatakbo na ito patungo sa Louisiana State University Eunice kung saan ito nagtapos ng General Studies at Elementary Education naman sa University of Louisiana. Hindi pa nakuntento si Joseph at nag-masteral pa.
Makalipas ang 27 taon na paglilinis sa eskwelahan, na-promote na si Joseph bilang principal nito. Bagama’t tumaas na ang posisyon nito, tila hindi maiaalis kay Joseph ang paglilinis dahil nagprisinta ito na siya mismo ang maglilinis sa kaniyang opisina tuwing gabi.
Bukod sa mahaba nitong journey bago natagpuan ang kaniyang calling, nagsilbi pang inspirasyon si Joseph sa ibang school staff na kumuha rin ng mag-master’s degree.
Sa mga pinanghihinaan na ng loob diyan, wag ka munang susuko. Dahil kung talagang gusto mo na may mangyari sa buhay mo, kailangan mong tyagain ang laban bago ka manalo.