Kung ang ibang kawatan ay maingat sa pagsasagawa ng krimen para hindi mahuli, kabaligtaran ito ng isang lalaki mula sa Gastonia, North Carolina na nagnakaw sa isang bangko para magpahuli nang sa ganon ay makatanggap siya ng medical attention sa kulungan.
Kung ano nga ba ang matinding pangangailangan ng lalaki, eto.
Nawalan ng trabaho ang noo’y 59-anyos na si James Verone matapos manilbihan bilang isang truck driver sa loob ng 17 taon. Pagkatapos nito ay naging part time truck driver ito at convenience store clerk.
Hindi nagtagal ay muli itong nawalan ng trabaho habang may iniindang sakit sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan.
Dahil sa desperasyon, naisipan ni Verone na magnakaw sa isang bangko ng pera na nagkakahalaga lang ng one dollar.
Pagdating sa bangko, habang humihingi ng one dollar sa bank teller ay sinabi nito na may dala siyang baril. Dahil sa labis na takot, isinugod ang teller sa ospital dahil sa high blood pressure.
Habang si Verone naman, hindi katulad ng iba, ay naghintay sa pagdating ng mga pulis para makulong dahil sa pag-iisip na iyon ang sagot sa kaniyang pangangailangan.
Samantala, bago isinagawa ang krimen ay si Verone mismo ang sumulat sa isang local newspaper at ipinaalam na ang nag-udyok sa kaniya na magnakaw ay ang pag-asa na maipagamot at maipa-opera sa kulungan ang kaniyang likod, paa, at bukol sa dibdib.
Bukod diyan, humingi rin ng tawad si Verone dahil sa idinulot nitong takot sa bank teller.
Gayunpaman, napunta pa rin ang lalaki sa kustodiya ng mga pulis at doon nakapagpa-checkup sa mga nurse habang hinihintay ang paglilitis.
Sa napakahirap na buhay ngayon, ano ang diskarte niyo sa tuwing dumarating ang petsa de peligro?