Kinuwestyon ni Senate Committee on Public Services Chairperson Grace Poe ang imbestigasyon ng Department of Transportation at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa nangyaring aberya sa air traffic management system nung bagong taon.
Ito, ayon kay Poe, ay dahil DOTr at CAAP mismo ang sangkot sa sitwasyon kaya’t palaisipan kung ano ang mangyayari sa imbestigasyon nila sa kanilang sarili.
Humingi naman ng paumanhin ang CAAP sa atrasadong pagbibigay ng update sa nangyaring technical glitch sa Communications, Navigation and Surveillance Systems for air Traffic Management System (CNS-ATM) sa NAIA.
Ito’y makaraang sitahin ni Senator Jinggoy Estrada kung bakit January 9 lang nakapagbigay ng update ang ahensya sa senado kaugnay sa totoong naging sira ng CNS-ATM.
Sinabi kasi ni CAAP Director General Manuel Antonio Tamayo na noong January 1 pa nila nalaman na isa sa mga circuit breaker ng air traffic system ang nagkaproblema at hindi ang uninterrupted power supply tulad ng unang lumabas sa mga balita.
Pero puna ni Estrada kung noong unang araw na nagka-aberya ay circuit breaker pala ang may problema at hindi ang UPS ay bakit ngayon lamang ito naipagbigay-alam sa Senado. — Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)