Kakasuhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang tinaguriang “Poblacion Girl” na si Gwyneth Anne Chua dahil sa hindi pagsunod sa quarantine protocols kontra COVID-19.
Sa isang pahayag, sinabi ng CIDG na nilabag ni Chua ang Rule XI Section 1 (g) (iii), (iv) ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng R.A. 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng CIDG na dinala si Chua sa Berjaya Hotel Makati noong Disyembre 22, 2021 ng alas-11:23 ng gabi matapos uwi sa bansa galing sa Amerika pero alas-11:40 ng gabi nang sinundo ito ng kanyang ama at umalis.
Nakita rin si Chua sa isa sa mga restawran sa Poblacion, Makati City noong gabi ng Disyembre 23, 2021.
Habang bumalik si Chua sa hotel kasama ang kaniyang ina noong Disyembre 25, 2021 ng alas-9 ng gabi at kalaunan ay napag-alaman na nagpositibo ito sa coronavirus.
Maliban kay Chua, sasampahan din ng reklamo ang mga magulang nito at ilang tauhan ng hotel kung saan dapat ito naka-quarantine.
Hindi naman kakasuhan ng CIDG ang mga close contact ni Chua pero inirerekomenda at hinihikayat nila ang mga ito na maghain ng reklamo laban sa dalaga. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)