Posible umanong isang ISIS-inspired sleeper-cell terrorist group ang nasa ilang bahagi ng Pilipinas.
Ito ang ibinunyag ni Lt. Gen. Rolando Bautista, commanding general ng Philippine Army matapos makakuha ng impormasyon sa mga dokumentong kanilang nakumpiska sa kanilang isinagawang operasyon noon kontra Maute-ISIS sa Mindanao.
Ayon kay Bautista, ang mga tinatawag na sleeper cell ay isang sikretong grupo ng mga terorista na kapag ipinag-utos na kumilos ng kanilang liderato ay maaaring magsagawa o magpalaganap ng kaguluhan sa isang partikular na lugar.
Sinabi ni Bautista na posibleng matagpuan ang grupong ito sa Antipolo, Tarlac at Pangasinan.
Bukod din aniya sa mga dokumentong kanilang nakumpiska ay nakakuha rin sila ng ilang testimonya mula sa mga naging hostage victims ng Maute at ilang impormasyon mula sa mga naharang na radio communication ng mga kalaban noong panahon ng bakbakan sa Marawi.
Kaugnay nito, patuloy umano nilang kinukumpirma ang ilan pang impormasyon kasabay ng pagtitiyak na nakaalerto ang kanilang hanay kasama ang Pambansang Pulisya.
—-