Tiniyak ng Malacañang na walang makaliligtas sa sinumang mapatutunayang sangkot sa maanomalyang flood control projects sa bansa.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, malinaw ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panagutin ang lahat ng tiwaling opisyal at indibidwal na umabuso sa pondo ng bayan.
Naniniwala ang Palasyo na nakikita na ang unti-unting resulta ng pinaigting na imbestigasyon na iniutos mismo ng Pangulo.
Kabilang sa mga unang tumugon ang Department of Justice, National Bureau of Investigation, Department of Public Works and Highways, at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Matapos suriin at pag-aralan ang nakalap na ebidensya, agad na kumilos ang mga nabanggit na ahensya upang masampahan ng kasong kriminal ang mga itinuturing na dawit sa anomalya.
Pinatitiyak din ng Pangulo na sapat at matibay ang mga ebidensya bago isampa ang mga kaso.