Umaasa ang ilang mga Muslim sa Zamboanga City na magbabago ang desisyon ng pamahalaan ng Saudi Arabia kaugnay sa suspensyon ng entry visa para sa mga pilgrim sa Mecca ngayong taon matapos ang outbreak ng 2019 coronavirus disease (COVID-19) sa Middle East.
Ayon kay Junaid Musa, isa sa mga nagparehistro sa National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) para sa pilgrimage, bagama’t 10 beses na niyang pagbisita sa Mecca, nanghihinayang pa rin siya na mauudlot ito ngayong taon.
Ani Musa, isang taon din niya itong pinaghandaan mula sa aspetong esprituwal, mental at pinansyal.
Umaabot kasi umano sa P200,000 ang magagastos ng bawat pilgrim sa kaniyang transportasyon at accommodation doon.
Ngunit ayon kay Zulfikar Abantas, director ng NCFM-Zamboanga Peninsula, walang magiging problema kung itutuloy ang pagproseso ng mga dokumento para sa mga magtutungo sa pilgrimage.
Ani Abantas, maaari pa kasi itong magamit sa susunod na taon.
Ang pilgrimage sa Mecca ay isa sa pinakamahalagang aktibidad para sa mga Muslim dahil isa ito sa Five Pillars of Islam na kailangan nilang sundin.