Ikinabahala ni House Infrastructure Committee co-chairman at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang biglaang paglipat kay DPWH-Bulacan 1st District Assistant Engineer Brice Ericson Hernandez sa Pasay City Jail mula sa Philippine National Police custodial center.
Binigyang-diin ni Cong. Ridon na hindi pa akusado si Hernandez at nananatili pa rin itong resource person ng komite.
Anila, bagama’t iginagalang nila ang pasya ng Senado… sa laki ng mga rebelasyong isiniwalat ni Hernandez sa pagdinig ng infra-comm, dapat ay irekonsidera ng mataas na kapulungan ng Kongreso ang pagpapanatili sa dating assistant district engineer sa PNP custodial center.
Matatandaang ibinunyag ni Hernandez ang mga sinasabing matataas na opisyal na sangkot sa katiwalian sa flood control projects sa Bulacan.
Sinabi ni Rep. Ridon na pag-aaralan nila ang susunod na hakbang hinggil sa usapin, kung saan isa sa maaaring gawin ay mabigyan ito ng sariling lugar sa nasabing kulungan at ihiwalay sa iba pang detainees; o kaya’y dalhin ito sa neutral location para matiyak ang kaligtasan gaya ng PNP custodial center o sa mismong Senado.
Nilinaw naman ni Rep. Ridon na wala pa siyang impormasyon kung nagkausap na sina Senate President Vicente Sotto III at House Speaker Martin Romualdez kaugnay rito.