Aabot sa 287 ang bumotong pabor; labindalawa ang nag-“no” o hindi sumang-ayon; habang dalawa naman ang abstention para sa panukalang pambansang pondo na nagkakahalaga ng ₱6.793 trillion para sa susunod na taon.
Sa plenaryo ng Kamara, inilahad ni House Appropriations Committee Chairperson at Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing ang mga nilalaman ng 2026 national budget kasabay ng paggiit na transparent, malinis, at may pananagutan ang pambansang pondo.
Binigyang-diin ni Suansing na wala na sa pondo ang flood control o anumang infrastructure project na huhugutin sa unprogrammed appropriations sa ilalim ng 2026 GAB at popondohan na lamang ito kung mayroong sobra o magkakaroon ng panibagong kita ang gobyerno.
Tiniyak rin ni Suansing na hindi maaabuso ang pambansang pondo para sa taong 2026 at nakapokus ang pondo para sa sektor ng edukasyon, kalusugan, at agrikultura.
Matatandaang umabot ng halos dalawang buwan ang pagtalakay sa 2026 national budget mula nang isinumite ng Department of Budget and Management o DBM ang 2026 National Expenditure Program (NEP).