Bumaba ang bilang ng mga nagpapasailalim sa HIV (human immunodeficiency virus) testing nang magsimulang pumutok ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa bansa.
Ito ang kinumpirma ng Department of health (DOH) matapos ang paggunita sa international aids candlelight memorial day, kahapon.
Ayon sa ahensya, nasa mahigit 4,000 na ang naiulat na nasawi mula taong 1984 hanggang 2020.
Ngunit noong Disyembre 2020, bumaba ang HIV testing sa 61% habang ang nagpapasailalim sa “treatment initiation” ay bumaba rin sa 28%.
Naitala naman ng ahensya ang nasa mahigit 100,000 Pilipino ang may HIV nitong 2020 ngunit nasa 70% lamang ang tanggap ang kanilang kondisyon habang nasa 61% naman ang sumasailalim sa “antiretroviral therapy” upang mapahaba ang kanilang buhay.
Samantala, patuloy na hinihikayat ng DOH ang mga Pilipino na sumailalim sa libreng testing upang hindi na lumala ang sakit at mapangalagaan ang kalusugan.
Bukod dito, pinayuhan ng ahensya na humingi muna ng clearance sa kanilang doktor ang mga HIV-positive bago magpabakuna kontra COVID-19. —sa panulat ni Rashid Locsin