Hindi ititigil ng grupong KADAMAY o Kalipunan ng Damayang Mahihirap ang kanilang pagkilos at pag-okupa sa mga nakatiwangwang na proyekto ng pabahay ng pamahalaan.
Ito ang naging bwelta ng KADAMAY sa babala ni Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng mauwi sa dahas kung magmamatigas ang grupo na sakupin ang housing project sa Rodriguez, Rizal.
Ayon kay KADAMAY Chairperson Gloria Arellana, imposibleng humupa ang kanilang pagkilos lalut tagos na aniya sa bulsa ang epekto ng TRAIN Law, kawalan ng trabahong may nakabubuhay na sahod at dumarami ang mga walang sariling tahanan.
Iginiit pa ni Arellano, hindi sila hihinto sa pagkilos hangga’t mabagal aniya ang implementasyon ng Joint Resolution Number 2 at tanging kagustuhan lamang ng National Housing Authority ang nasusunod sa pagpili ng mga benepisyaryo ng mga pabahay.
Magugunitang, nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Mayo Ang Joint Congressional Resolution Number 2 na nagbibigay ng otorisasyon sa NHA na ipamahagi na sa iba pang kuwalipikadong benepisyaryo ang mga nakatiwangwang na mga pabahay.