Pumasok na sa Philippine Area of Responsibility ang binabantayang bagyong malapit sa bahagi ng Batanes na pinangalanang Ester.
Ayon sa PAGASA, huling namatan ang bagyong Ester sa layong 335 kilometro hilagang kanluran ng Basco Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 65 kilometro kada oras.
Kumikilos ito sa direksyong silangan hilagang-silangan sa bilis na 14 na kilometro kada oras.
Dahil dito, itinaas na ang Signal number 1 sa lalawigan ng Batanes.
Samantala, lalu pang palalakasin ng bagyong Ester ang southwest monsoon o hanging Habagat na magdadala ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-uulan sa bahagi ng Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Zambales at Bataan.
Habang mahina hanggang sa katamtamang lakas naman ang mararanasan sa bahagi ng Metro Manila, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Cavite at Batangas na inaasahang tatagal hanggang weekend.