Ipinakiusap ni Senador Kiko Pangilinan sa Malacañang na agarang mag-isyu ng executive order na magtatakda ng floor price para sa palay na binibili ng mga ahensya at local government units.
Ayon kay Sen. Pangilinan, nakasaad ito sa Republic Act 11321 o ang Sagip Saka Act, na siya ang may-akda.
Binigyang-diin ng senador na mahalagang maipatupad agad ang naturang E.O. bago ang harvest season sa Setyembre hanggang Disyembre, kung kailan madalas baratin ang mga magsasaka sa presyo ng kanilang palay.
Naniniwala ang mambabatas na kung magtatakda ng floor price ang pamahalaan, makasisiguro ang mga magsasaka na maibebenta ang kanilang ani sa patas at makatwirang halaga, lalo na sa panahong tumataas ang production cost at hindi matatag ang farmgate price.
Dagdag pa niya, kung mismong pamahalaan ay may minimum floor price sa pagbili ng palay, mapipilitan din ang mga trader na itaas ang kanilang buying price, dahilan upang magkaroon ng mas maraming pagpipilian ang mga magsasaka.
Giit ni Sen. Pangilinan, ang panalo rito ay ang mga magsasaka mismo.