Pinasalamatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Russia sa alok nitong suplay ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) oras na maging available na ang mga ito.
Ayon kay Pangulong Duterte, dati nang nangako sa kanya si Russian President Vladimir Putin na magbibigay ng tulong sa Pilipinas hinggil sa mga usaping may kinalaman sa medisina.
Aniya, sa kanyang palagay ay libre ang tulong na iniaalok ni Putin sa Pilipinas.
Sinabi pa ni Pangulong Duterte, pag-uusapan nila ni Putin ang detalye hinggil sa isasagawang clinical trial sa dinedevelop na bakuna kontra COVID-19 ng Russia.
Dagdag ng pangulo, inatasan na niya si Health Secretary Francisco Duque III na humanap ng naangkop na taong maaaring makipag-ugnayan sa Russia hinggil sa paglilipat ng kaalaman sa bakuna.
Kasabay naman nito, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang liham ng pasasalamat kay Putin at pangako ng pagkakaibigan sa pagitan ng Pilipinas at Russia.