Tila lumalabo nang bumalik sa peace negotiations ang gobyerno at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Ito’y makaraang ipag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpuksa sa mga rebeldeng komunista sa buong bansa.
Sa kanyang pagharap sa mga sundalo mula sa 803rd Infantry Brigade ng Army sa Catarman, Northern Samar, inihayag ni Pangulong Duterte na ang pagpatay sa mga rebelde na lamang ang paraan upang makamit ang kapayapaan.
“We are not into a crime prevention pati yang pulis kasali na. It’s neutralization ang atin. Then, we can solve the problem. Neutralization na tayo ngayon, there is no crime prevention because the crime is being perpetrated 24 hours a day. ” Pahayag ni Duterte.
Hindi na aniya dapat mag-issue ng warrant of arrest laban sa mga rebelde dahil lalo lamang tatagal at posibleng makatakas pa ang mga ito.
Inatasan din ng Punong Ehekutibo na pag-ibayuhin ang pangangalap ng mga impormasyon sa mga hinihinalang rebeldeng komunista.
“Kung may dala kang baril, Sparrow ka, you can be neutralized. Huwag mo na akong bigyan ng warrant, warrant, warrant buti sana kung nagnakaw yan patapos…iba nanaman ninakaw. Pero an NPA when starts to join, babae o lalaki may dalang armas, diretso diretso na yan, they are committing the crime of rebellion 24 hours a day naghahanap lang ng engkuwentro. So I do not want to give that advice to my soldiers.” Ani Duterte.
Kasabay nito, muling pinayuhan ni Pangulong Duterte ang mga sundalo na huwag magpapahuli ng buhay sa mga kalabang terorista at rebelde.
Aniya, hindi katanggap-tanggap na mapapatay sa maruming paraan ang mga sundalo.
—-