Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Labor and Employment na magkasa ng buwanang job fair, upang madagdagan ang bilang ng mga Pilipinong mayroong trabaho.
Ayon sa Pangulo, mula July 2022 hanggang February 2025, nasa higit 4,000 job fairs na ang isinigawa ng gobyerno, na nilahukan ng higit isang milyong Pilipino.
Dagdag pa ng Pangulo, hindi na lamang basta job fair ang ipinatutupad ng kanyang administrasyon dahil nilalagyan na rin aniya nila ito ng one stop shop, kung saan ang serbisyo ng gobyerno na kakailanganin ng job seekers ay inilapit na rin sa publiko.
Sa pakikipagtulungan na rin ito ng iba pang government offices, tulad ng BIR, NBI, PSA, PRC, SSS, Pag-IBIG, at PhilHealth.
Sinabi ng pangulo na batid ng gobyerno ang pangangailangan na maging matatag ang pundasyon ng mga manggagawa.—sa panulat ni John Riz Calata