Naniniwala ang isang legal luminary at law dean na hindi malayong ibasura ng Supreme Court ang petisyon para sa disqualification kay presumptive president Ferdinand “Bongbong” Marcos Junior.
Ayon kay San Beda College of Law Dean, Father Ranhillo Aquino, karaniwan nang pinagtitibay ng Supreme Court ang mga desisyon ng mga administrative body, tulad ng COMELEC.
Sa pagkakataon anyang ito ay idinismiss ng poll body ang petisyon na humihiling na ipa-disqualify si Marcos.
Ipinaliwanag ni Aquino na batay sa kasaysayan ay nirerespeto ng SC ang kagustuhan ng taumbayan na pinagbabatayan sa kaso laban sa mga halal na opisyal.
Bagaman hindi anya maaaring hulaan ang susunod na hakbang ng kataas-taasang hukuman, kapag nahalal na ang isang tao ay hindi na pakiki-alaman ng SC ang disqualification dahil ang paninindigan nila ay nagpasya na ang taumbayan na dapat igalang.
Noong martes ay naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang grupo ng mga civic leader sa pangunguna ni Fr. Christian Buenafe na humihiling ng temporary restraining order upang pigilan ang kongreso na mag-convene bilang National Board of Canvassers at bilangin ang boto ni BBM.