Arestado ang isang 33-anyos na delivery rider ng jewelry shop sa Quezon City matapos umaming siya mismo ang gumastos ng mahigit 326-thousand pesos na dapat sana’y i-re-remit sa kanyang manager.
Ayon sa La Loma Police, nagtungo pa ang suspek sa istasyon para i-report na naholdap umano siya… subalit sa pagsusuri ng CCTV, lumabas na walang insidente ng holdap na naganap sa lugar.
Kalaunan, inamin ng lalaki na nawaldas niya ang pera sa sabong; sa muling pag-usisa ng mga pulis, ibinunyag ng suspek ang totoo at umamin din sa kanyang manager.
Na-recover mula sa kanya ang ilang pirasong alahas at 11,000 pesos na cash.
Mahigit dalawang taon nang empleyado ng jewelry shop ang suspek, at kakasuhan siya ng qualified theft at nananatili ngayon sa kustodiya ng pulisya.
Ayon sa PNP, matagal nang modus ang tinatawag na “hold up me,” kung saan idinadahilan ang pekeng holdap para pagtakpan ang nawaldas na pera.
—Sa panulat ni Jasper Barleta