Nagpahayag si dating Chief Justice Artemio Panganiban ng pagdududa at pangamba sa legalidad ng Konektadong Pinoy Bill (KPB) na layuning isulong ang digital transformation ng bansa.
Sa kanyang kolum noong Hulyo 21, tinawag ni Panganiban ang Senate Bill No. 2103 na “maganda ang layunin pero salungat sa Konstitusyon.”
Ngunit aniya, maaaring labagin nito ang Section 17, Article XII ng 1987 Constitution, na nagsasabing tanging sa panahon lamang ng national emergency puwedeng kontrolin ng gobyerno ang mga pribadong negosyo gaya ng public utilities.
Babala pa niya, pinapayagan ng KPB ang mga dayuhang kumpanya sa data transmission na mag-operate sa bansa kahit wala silang pisikal na pasilidad dito.
Giit niya, kung wala ang kapangyarihang ito sa oras ng krisis, tila simboliko na lang ang papel ng gobyerno.
Tinukoy din niya ang Section 14 ng panukala, na tila pumapabor sa satellite operators dahil hindi na nila kailangang makipag-partner sa mga lokal na telco para gumamit ng broadband at radio spectrum.
Dagdag pa niya, pareho lang ang tungkulin ng satellite at terrestrial services—ang maghatid ng data sa publiko—kaya dapat pantay din ang regulasyon sa kanila.
Kuwestiyunable rin para kay Panganiban ang Section 19 ng bill na nagpapahayag ng “technological neutrality” pero may probisyong tila pumapabor sa isang teknolohiya, bagay na taliwas sa prinsipyong iyon.
Aminado si Panganiban na mahalaga ang mas mabilis at abot-kayang internet, pero iginiit niyang dapat itong umayon sa Saligang Batas.
Paliwanag niya, hamon sa mga mambabatas ang pagsabay sa teknolohiya nang hindi nilalabag ang mga itinatakdang prinsipyo ng Konstitusyon.
Bukod kay Panganiban, may agam-agam din ang ilang stakeholders sa telecom industry, partikular sa dalawang taong compliance window ng bill, na anila’y kulang para makamit ang mataas na cybersecurity standards.
Sa kabilang banda, iginiit naman ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang kanilang kumpiyansa na maipapasa ang KPB sa kabila ng mga pag-aalinlangan ukol sa epekto nito sa seguridad at legalidad.