Nasabat ng Land Transportation Office (LTO)ang dalawang SUV matapos maaktuhang gumagamit umano ng pekeng Armed Forces of the Philippines (AFP) at LTO plates, blinker at “wang-wang.”
Sa operasyon, natuklasang nakatago sa loob ng mga sasakyan ang kanilang mga orihinal na plaka habang nakakabit at ginagamit sa kalsada ang mga hindi awtorisadong plaka.
Nakumpiska rin ang pekeng conduction sticker, blinker at “wang-wang,” gayundin ang ilang sticker na may pangalan o nagpapahiwatig ng koneksyon sa isang miyembro ng Kongreso.
Pansamantalang nasa kustodiya ng LTO ang dalawang sasakyan habang isinasagawa ang beripikasyon at imbestigasyon sa mga posibleng paglabag.
Giit ni LTO Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, walang sinuman ang dapat gumamit ng pekeng plaka o pagkakakilanlan para makaiwas sa batas-trapiko o makahingi ng espesyal na pagtrato.
“Hindi porke may kakilala ka sa gobyerno ay pwede ka nang gumamit ng pekeng plaka o pagkakakilanlan upang makaiwas sa batas-trapiko o magkaroon ng espesyal na pagtrato sa lansangan, maling-mali po iyon,” ani Lacanilao.

