Kinumpirma ni Davao Oriental 2nd District Rep. Cheeno Almario na dalawa na ang naitalang nasawi matapos maitala ang magnitude 7.4 na lindol.
Sa ambush interview sa Kamara, sinabi ni Cong. Almario na isa sa nasawi ay natabunan ng gumuhong pader, habang ang isa naman ay nasawi matapos ma-cardiac arrest dahil sa takot o epekto ng malakas na lindol.
Patuloy pa aniya ang ginagawang operasyon sa kanilang lugar matapos ang lindol, kasabay ng panawagan sa mga ahensya ng gobyerno at mga lokal na pamahalaan na tulungan o tugunan ang pangangailangan ng mga apektado ng lindol.
Pinasalamatan naman ng kongresista ang agarang pagpaabot ng tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga biktima ng malakas na lindol sa kanilang nasasakupan.
Sa ngayon ay nailikas na aniya ang mga residenteng nakatira malapit sa coastal area, partikular ang mga nakatira sa unang distrito ng Davao Oriental na pinakatinamaan ng lindol dahil sa posibleng banta ng tsunami.