Posibleng humantong sa demoralisasyon ang pagkaka apruba ng kamara at senado sa umento sa sahod ng mga uniformed personnel.
Ito ang pinangangambahan ni Act Teachers Representative Antonio Tinio kung saan maaaring ma demoralize ang mga rank and file na empleyado na matagal na rin aniyang humingi ng dagdag sa sahod.
Paliwanag ni Tinio, lalabas na ang isang bagong graduate ng PMA o Philippine Military Academy na may ranggong 2nd Lieutenant ay makakatanggap na agad ng 39,356 pesos na sweldo samantalang ang isang empleyado ng gobyerno na sampu hanggang dalawampung taon na nagtatrabaho ay nasa dalawampung libo (20,000) hanggang tatlumpung libo (30,000) lamang ang sahod.
Giit pa ni Tinio, bagama’t hindi linggid sa kaalaman ng marami ang hirap ng trabaho ng mga uniformed personnel tulad ng mga sundalo at pulis ngunit sana ay bigyang pagkilala din aniya ang dedikasyon sa trabaho ng mga empleyado ng gobyerno.
Hindi rin naman umano kalabisan ang inihihirit na umento sa sahod na nagkakahalaga ng tatlong libo (3,000) kada buwan na agad naibasura ng kamara makaraang ipanukala niya ang pag amyenda sa House Joint Resolution No. 18.