Bilang pagkilala sa walang katumbas na dedikasyon ng mga guro para sa kinabukasan ng kabataan ngayong World Teachers’ Day, itutulak ng Trabaho Partylist ang kanilang kapakanan sa pamamagitan ng karagdagang benepisyo at pagsasanay.
Sabi ng grupo, isang karangalan ang makasama ang mga guro sa mahalagang pagdiriwang na ito, kaya’t taus-puso ang pasasalamat nito sa mga sakripisyo at malasakit na ibinubuhos ng mga guro upang hubugin ang mga susunod na henerasyon ng Pilipino sa pamamagitan ng makabuluhang edukasyon.
Kasabay nito, kinilala ni Atty. Mitchell-David Espiritu, tagapagsalita ng Trabaho Partylist, ang patuloy na paghahatid ng de-kalidad na edukasyon upang maging handa ang kabataan sa anumang hamon ng mundo, maparito man sa ating bansa o saan man sa daigdig.
Ayon sa grupo, sa pagpapalakas ng panibagong curriculum, partikular sa Senior High School (SHS), dapat simulan ang inisyatibo sa paghandog ng insentibo tulad ng sahod na sapat sa tunay na pangangailangan.
Dapat aniyang lalong itaas ang “morale” at “motivation” sa pamamagitan ng mga training at workshops na maghahandog ng career growth sa mga guro dahil sila ang susi sa pagpapalakas ng susunod na henerasyon ng mga manggagawa.
Sinasabing mahalaga rin ang pagkalinga ng mga guro subalit nagsisilbing ikalawang tahanan ng kabataan ang mga paaralan bago sila sumabak sa pagtatrabaho, bagay na tinututukan ng grupo tulad ng pagsulong ng mga job-ready graduate ng SHS at kolehiyo.
Dahil dito, binigyang-diin din ni Espiritu ang pagtitiyak na akma ang mga kakayahan ng mga SHS graduate sa mga pangangailangan ng mga industriya.
Pabor din ito sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay Education Secretary Sonny Angara na palakasin ang “employability” ng mga SHS graduates.
Aniya, hindi lang book-smart kundi street-smart ang maihuhubog na mag-aaral ng mga guro kung sila ay kakalingain ng pamahalaan, kaya itinutulak din ng Trabaho Partylist ang pagpapalakas ng technical at soft skills sa sektor ng edukasyon.