Asahan na ang pagdating sa bansa ng COVID-19 vaccine doses para sa edad 5 hanggang 11 sa kalagitnaan ng Enero.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Adviser, Dr. Ted Herbosa, sa sandaling dumating ang mga vaccine supply ay makapag-uumpisa nang magbakuna sa mga bata.
Hinihintay na anya ng maraming magulang ang mga bakuna upang maprotektahan ang kanilang mga anak sa gitna ng hindi maawat na pagsirit ng COVID-19 cases.
Una nang inihayag ng Department of Health (DOH) na darating sa katapusan ng Enero hanggang unang linggo ng Pebrero ang unang supply ng Pfizer COVID-19 vaccines para sa pediatric age group.