Naungusan na ng Davao City ang mga lungsod sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa na may pinakamataas na naitatalang kaso ng COVID-19.
Batay ito sa ulat ng OCTA research group mula Hunyo 21 hanggang 27 kung saan, naitala ang 263 daily average cases sa Davao City.
Ayon sa OCTA, dahil ito sa 93% ng pagtaas ng utilization rate ng Davao City sa kanilang intensive care unit (ICU) na siyang pinakamataas mula nang magsimula ang pandemiya sa COVID-19.
Pumalo rin sa 70% ang hospital bed utilization rate sa Davao City na pumangalawa naman sa Tacloban, Leyte na may 88% critical rate.
Batay sa datos ng OCTA research, bumaba sa 9% ang naitala nilang COVID-19 infection sa Metro Manila sa nabanggit na panahon o katumbas ng 667 kumpara sa 731 mula Hunyo 14 hanggang 20.
Kasunod nito, patuloy na inirerekumenda ng OCTA na manatili sa General Community Quarantine o (GCQ) ang Metro Manila hangga’t nananatiling mababa naman ang vaccination rate coverage nito.