Nakatakdang magsampa ng kaso bukas, Agosto a-bente sais sa Batangas Provincial Prosecutor si Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste laban kay DPWH Batangas 1st District Engineer Abelardo Calalo.
Ito ang kinumpirma ng tanggapan ng kongresista kasunod ng ulat na sinubukan umanong suhulan ni Calalo si Cong. Leviste upang hindi na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa mga flood control projects.
Matatandaang nagsagawa ng inspeksiyon si Cong. Leviste sa kalagayan ng ilang flood control projects sa unang distrito ng Batangas kung saan natuklasang marami sa mga ito ay ginamitan ng mga substandard materials, hindi matibay ang pagkakagawa, at hindi ligtas sa kaniyang nasasakupan.
Partikular na tinukoy ang mga proyekto sa Palico River, Binambang River, at Pansipit River.
Para kay Cong. Leviste, hindi dapat pahintulutan ang korapsyon sa DPWH at dapat nating igiit ang mga proyektong may mas mataas na kalidad at mas mababang halaga, at obligahin ang mga contractor na agad ayusin ang anumang pagkukulang ng mga proyekto nang walang karagdagang gastos mula sa gobyerno.
Dahil dito, isinusulong ng kinatawan ng unang distrito ng Batangas ang mas malawak na reporma upang tugunan ang mga suliraning nakaugat sa sistema ng DPWH.