Pinasinungalingan ng Commission on Elections ang mga kumakalat na ulat na nagsasabing nakakonekta sa internet ang mga vote-counting machine habang isinasagawa ang 2025 midterm elections.
Ayon kay COMELEC Spokesman John Rex Laudiangco, hindi nakokonekta sa internet ang mga VCM sa kasagsagan ng halalan.
Paliwanag ni Spokesman Laudiangco, kinokonekta lamang ang mga nasabing makina matapos ang pagboto at pag-imprenta ng mga election return, upang maipadala ang mga resulta.
Agad din aniyang ipo-post sa official website ng COMELEC ang mga resulta mula sa bawat presinto para makita agad ng publiko.
Dahil dito, pinayuhan ni Spokesman Laudiangco ang mga botante na maging mapanuri sa mga lumalabas na impormasyon at magtiwala sa mga otoridad.—sa panulat ni John Riz Calata