Ilalagay ng Armed Forces of the Philippines o AFP sa blue alert status ang puwersa nito kaugnay ng gaganaping traslacion ng Itim na Nazareno sa Sabado.
Ibig sabihin nito, ayon kay AFP Spokesperson Col. Restituto Padilla, kalahati ng buong pwersa ng militar lalo na sa National Capital Region o NCR ay dapat nasa kani-kanilang himpilan.
Tiniyak ni Padilla na may mga tropa, kagamitan, at mga sasakyan kabilang na ang helicopters na naka-standby sa mga kampo.
Handa aniya itong i-deploy sakaling kailangan ng AFP Joint Task Force NCR na siyang pangunahing yunit ng militar na magbabantay sa prusisyon.
Bagama’t hindi ito magtataas sa red alert status ay sinabi ni Padilla na magde-deploy ang AFP sa Enero 9 ng halos dalawang batalyon ng mga sundalo para umalalay sa mga awtoridad na magbabantay sa traslacion.
By Jelbert Perdez | Jonathan Andal