Iginiit ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang pangangailangan ng mas mahigpit ngunit makatuwirang regulasyon sa e-gambling sa halip na tuluyang pagbabawal dito.
Ayon kay Atty. Renato ‘Aboy’ Paraiso, Deputy Executive Director ng CICC, ang total ban sa internet gaming ay posibleng magdulot ng mas malaking problema sa halip na solusyon, dahil maaari nitong itulak ang mga lehitimong platform na mag-operate nang patago o underground.
Binigyang-diin ni Paraiso na mahalaga ang papel ng regulated online gambling sa ekonomiya ng bansa, kung saan nakalilikha ito ng bilyong pisong kita at libu-libong trabaho para sa mga Pilipino.
Aniya, hindi dapat kalimutan ang balanse sa pagitan ng proteksyon ng publiko, lalo na ng mga kabataan, at ng pangangalaga sa mga lehitimong industriya.
Kasabay nito, isinapubliko rin ng CICC ang kanilang mga matagumpay na operasyon laban sa mga sindikatong sangkot sa ilegal na online gambling.
Sa isang operasyon sa Makati noong Marso 19, 2025, 131 katao ang naaresto kabilang ang 96 na dayuhan sa isang ilegal na operasyon ng online gaming na pinamamahalaan ng diumano’y software service provider na Flying Future Services Inc.
Noong Pebrero 16, 2025, tatlong Chinese nationals din ang inaresto sa Santa Rosa, Laguna dahil sa koneksyon umano sa isang sindikato ng ilegal na sugal at online prostitution.
Ang mga hakbang na ito ay isinagawa sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya tulad ng CIDG, PAOCC, at Bureau of Immigration.
Ayon sa tala ng CICC, mula Enero hanggang kalagitnaan ng Hunyo 2025, aabot na sa 5,099 na katao ang naaresto dahil sa mga cybercrime operations.
Ang mahigit 600 sa mga ito ay naaresto sa entrapment operations, kung saan 116 ang nahatulan na ng korte. Karamihan sa mga ito ay dating mga empleyado ng mga ilegal na POGO networks.
Dagdag pa ni Paraiso, nagpapatuloy ang CICC sa pagbuwag ng mga imprastrukturang ginagamit sa cybercrime tulad ng SIM card fraud at hindi rehistradong e-wallet services.
Layon nitong wasakin ang buong sistema ng mga sindikato at hindi lamang ang kanilang mga operasyon sa ibabaw.
Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., patuloy ang CICC sa pagiging pangunahing sandigan ng pamahalaan sa laban kontra sa mga ilegal na aktibidad sa internet.
Anila, sa pamamagitan ng mas pinatinding kampanya at pakikipagtulungan sa publiko, matitigil din ang malawakang pag-abuso sa digital space.