Inilagay na ngayon sa half mast ang watawat ng Pilipinas sa Court of Appeals (CA) bilang pagluluksa sa pagpanaw ni dating presiding Judge Salome Montoya.
Pumanaw si Montoya nitong Biyernes ng nakalipas na linggo sa edad na 84 sanhi ng stroke.
Kuwento ng adopted son ni Montoya na si John, Martes pa isinugod sa ospital ang kaniyang ina at tuluyan na itong binawian ng buhay makalipas lang ang tatlong araw.
Nanungkulan bilang presiding judge si Montoya mula Enero 1990 hanggang 2001 kung saan, hinangaan ito dahil sa pagpapatupad ng panalangin bago ang flag raising ceremony.
Tumanggap din si Montoya ng cross of honor award noong 1993 na ibinigay ni dating pope at ngayo’y Saint John Paul II na siyang pinakamataas na parangal na iginagawad ng Simbahang Katolika.
Kasalukuyang nakaburol ang labi ni Montoya sa kanilang tahanan sa Marikina City at nakatakdang ihatid sa huling hantungan sa Loyola Memorial Park sa darating na Huwebes.
By Jaymark Dagala | Bert Mozo (Patrol 5)