Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development na mabibigyan ng burial assistance ang mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay sa pananalasa ng Bagyong Tino.
Ayon kay DSWD Spokesperson Asec. Irene Dumlao, bahagi ito ng Assistance to Individuals in Crisis Situation o AICS program ng kagawaran na layong matulungan ang mga pamilya na maayos at marangal na maipalibing ang kanilang mga namatay na kaanak.
Sinabi ni Asec. Dumlao na sila mismo ang kumikilos at lumalapit sa mga pamilyang naiulat na may nasawi, upang agad maibigay ang tulong nang hindi na kailangang pumunta sa kanilang mga tanggapan.
Bukod naman sa burial assistance, nagpapatuloy rin ang DSWD sa pamamahagi ng family food packs, non-food items, at ready-to-eat meals sa mga apektadong komunidad.
—Sa panulat ni Jordan Gutierrez




