Alanganing matuloy ang kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region In Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Election sa susunod na taon.
Ito ay batay kay Commission on Elections chairman George Erwin Garcia, matapos ilabas ng korte suprema ang deklarasyon na hindi bahagi ng BARMM ang Sulu.
Ayon kay Chairman Garcia, malaking problema ang naging desisyon ng korte na makaaapekto sa mga inilatag na plano ng COMELEC para sa darating na BARMM election.
Nakasaad aniya sa batas, na dapat ay may walumpung miyembro ng parlyamento ang mailuklok sa BARMM kung saan pito rito ay mula sa SULU.
Dahil dito, kinwestiyon ng COMELEC Chairman, kung matutuloy ba ang election kung 73 lamang ang maihahalal sa posisyon.
Tatalakayin aniya sa En Banc Regular Session ang nasabing paksa ngayong araw.
Binigyang-diin ni Chairman Garcia, na sa ngayon ay magpapatuloy ang nasabing eleksyon maliban na lamang kung magdesisyon ang en banc na ipagpaliban ito.