Hindi nakatulong ang magkasunod na dumaang bagyo sa bansa para madagdagan ang antas ng tubig sa Angat dam, ang pangunahing pinagkukunan ng tubig sa Metro Manila.
Ayon sa PAGASA, sobra-sobra ang ulan na ibinagsak ng nagdaang Bagyong ‘Quiel’ at ‘Ramon’ sa mga probinsya sa northern Luzon tulad ng Cagayan at Isabela.
Gayunman, kulang pa rin aniya ang ulan na dala ng mga nabanggit na bagyo sa bahagi ng Angat watershed sa Bulacan.
Dagdag ng PAGASA, nasa dalawang bagyo na lamang ang inaasahan nilang tatama sa bansa bago matapos ang taon na kinakailangan anilang dumaan sa Central Luzon.
Mula nang tumama ang Bagyong ‘Jenny’ noong Agosto, wala pang bagyong nakapagbigay ng sapat na ulan sa Angat dam.
Sinabi ng PAGASA, patuloy ang pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat dam kung saan umaabot sa 15-cm ang nababawas kada araw.