Nauwi sa trahedya ang isa sanang masayang reunion ng isang pamilya sa Negros Oriental nang hindi inaasahang binawian ng buhay ang isang overseas Filipino worker na uuwi na sana sa kaniyang mga mahal sa buhay.
Ang nakapanlulumong kwento ng babae, eto.
Viral ngayon sa social media ang litrato at video ng 41-anyos na babae na tinukoy na si Wilma Auza, isang OFW mula sa Kuwait na sa wakas ay uuwi na sana sa kaniyang pamilya.
Sa video, makikita si Wilma na nakaupo sa loob ng bus at wala ng buhay.
Ayon sa mga ulat, bago makarating sa Negros Oriental ay dumaan muna si Wilma sa mahabang biyahe mula sa Kuwait.
Sakay ito ng connecting flights na dumaan ng Japan, Manila, at Cebu, bago tuluyang nakasakay ng bus patungo sa Dumaguete City na maghahatid sana sa kaniya sa kanilang tirahan.
Pagkatapos ng mahabang biyahe, nang tuluyang huminto ang bus ay hindi na nagising pa si Wilma.
Ayon pa sa mga pag-uulat, bago nakatulog si Wilma ay nakaranas muna ito ng pagsusuka, habang ang mga otoridad naman ay susuriin muna ang medical history ng biktima para tukuyin kung ano nga ba ang tunay na dahilan ng biglaan nitong pagkamatay.
Samantala, ang insidenteng ito ay nagsisilbi ngayong paalala sa mga netizen online na higit pang bigyan ng halaga ang mga OFW na nakikipagsapalaran sa ibang bansa dahil sa mga sakripisyo at pagtitiis na ginagawa ng mga ito na malayo sa kanilang mga pamilya habang nagsusumikap na buhayin ang mga ito.
Gayunpaman, dinala na ang bangkay ni Wilma sa isang Rural Health Unit para sumailalim sa pagsusuri.
Sa mga may kaanak na OFW diyan, sa paanong paraan niyo ipinaparamdam sa kanila na sila ay appreciated?