Nasa poder na ng environmental group na Pusyon Kinaiyahan ang babaeng napaulat na nawawala matapos personal na humiling kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil na ang quarrying sa Naga City, Cebu.
Ayon sa isang source, nangangamba na para kanyang kaligtasan si Sheila Eballe, 36-anyos, residente ng Sitio Greyrocks Barangay Tinaan at kabilang sa mga biktima ng landslides, kamakailan.
Ito’y dahil mayroon umanong mga hindi kilalang tao mula sa Apo Land and Quarry Corporation o ALQC ang naghahanap sa kanya.
Ang ALQC o Apo Cement na subsidiary ng Cemex Corporation ang nangangasiwa sa quarrying operations sa naturang lugar.
Gayunman, nilinaw ni Apo-Cemex Spokesman Chito Maniago na wala naman silang ipinadalang tauhan upang hanapin si Eballe at hindi rin aniya patas na akusahan sila na pinagbabantaan si Eballe.
—-