Naging usap-usapan sa social media ang panghihikayat ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa mga lokal na pamahalaan na i-adapt ang digitalization at e-governance.
Matatandaang noong March 6, 2023, inaprubahan ng House of Representatives ang House Bill No. 7327 o mas kilala bilang E-Governance Act. At kaugnay nito, noong July 13, 2023, iprinesenta ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang six priority projects ng ahensya sa ilalim ng e-governance.
Una sa listahan ang eLGU. Ang eLGU o Electronic Local Government Unit ay one-stop system kung saan pinagsama-sama ang lahat ng serbisyo ng lokal na pamahalaan gaya ng business permit licensing, notice of violations, notification system, community tax, health certificates, local civil registry, business tax, at real property tax.
Ayon kay Chief of Staff for e-Government ng DICT na si TR Mon Gutierrez, layunin ng eLGU na makapagbigay ng comprehensive online platform na nagsisilbing centralized hub para sa LGU system automation and e-services.
Ikalawa naman ang eTravel system. Ang eTravel system ay isang one-stop electronic travel declaration app kung saan maaaring i-fill up ang iba’t ibang forms gaya ng arrival card, local airport or seaport forms, tourism form, customs form, at health declaration form. Available ito sa 10 international airports at 5 international seaports. As of July 2023, napakinabangan na ito ng halos 7.3 million passengers.
Ikatlo ang eGovPay. Ito ay isang secured government payment gateway na available sa users ng digital payment systems gaya ng online and typical banks, e-wallets, ecards, kiosks, at cash payment systems. Ayon kay Gutierrez, tinutulungan ng eGovPay ang pamahalaan na pasimplehin ang payment process dahil makapagbibigay ito ng automated reports at transparency at mas mababa ang gastos dito.
Ikaapat naman ang eGovCloud system. Imbes na gumamit ng multiple data centers, maaaring gamitin ng mga ahensya ang eGovCloud system para sa iba’t ibang serbisyong pang-gobyerno. Ito ay centralized cloud system na standardized, cost-effective, secure, at efficient.
Ikalima ang eReport o People’s Feedback Mechanism mobile app. Sa eReport, maaari kang mag-file ng report o magbigay ng feedback sa gobyerno mula sa iba’t ibang kategorya gaya ng red tape, overpricing, child abuse, women abuse, accident, fire, crime, scam, at iba pa.
Last, but definitely not the least, ang eGov PH app. Kasunod ng pag-apruba ni Pangulong Marcos Jr., nagsimulang magtrabaho ang DICT sa single operating system na layong tuldukan ang mga hamon sa pagkuha ng serbisyong pang-gobyerno.
Sa eGov PH app, maaari kang maka-avail ng iba’t ibang serbisyo at impormasyong pang-gobyerno. Ito ang pinakaunang one-stop-shop platform ng bansa para sa local and national government services. Pwede mo itong i-download sa iyong phone mula sa Google Play Store at Apple Store.
Sa ikaunang State of the Nation Address (SONA) noong July 25, 2022, sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na priority ng kanyang administrasyon ang pag-modernisa sa iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan upang mas mapabilis ang proseso nito. Sa pag-adapt ng Pilipinas sa e-governance na isinusulong ng Pangulo, matutuldukan na ang nakasanayan nating napakahabang proseso at pila para lang makakuha ng serbisyo mula sa pamahalaan.
Patuloy na hinihimok naman ni Pangulong Marcos Jr. ang LGUs na pag-aralan ang best practices ng ibang bansa na maaari rin nilang gawin sa kanilang mga nasasakupan. Nauungusan na ang Pilipinas ng maraming bansa pagdating sa makabagong teknolohiya kaya nais ng Pangulo na mapaunlad ang digital infrastructure ng bansa, para na rin sa ikagiginhawa ng mga Pilipino.