Hinimok ni House Committee on Public Order and Safety Chairman at Manila Rep. Rolando Valeriano si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na isiwalat at pangalanan na ang mga idinadawit na mga kongresista sa isyu ng korapsyon.
Ayon kay Valeriano, suportado niya ang hamon ni Leyte 4th District Rep. Richard Gomez dahil nadadamay na ang mahigit tatlongdaang mambabatas at nasisira ang imahe ng Kamara sa isyu ng katiwalian sa flood control projects.
Para kay Rep. Valeriano, mas mainam na dalhin na lamang ng alkalde ang usapin sa proper o angkop na korte.
Nanawagan ang kongresista na isapubliko na ang mga pangalan lalo’t naniniwala siyang maraming matitinong miyembro ng House of Representatives.
Iginiit naman ni House Deputy Speaker Paolo Ortega V na kaisa sila sa responsibilidad na itaguyod ang pananagutan habang pinoprotektahan ang integridad ng institusyon.
Nakiusap si Ortega na linawin na ng alkalde ang isyu at maging patas upang hindi na mapagdudahan ang iba pang mga mambabatas.
Ipinunto ng House leader na ang anumang isyu ay dapat idaan sa proper channels na may kalakip na pangalan, facts at kaukulang dokumento.
—Sa panulat ni Jasper Barleta