(Updated)
Siyam (9) na ang patay habang higit tatlongdaan (300) ang napaulat na sugatan sa pananalasa ng Typhoon Jebi sa Japan.
Ayon sa ulat, kabilang sa nasawi ang 71-anyos na matandang lalaki sa Western Shiga Prefecture matapos ma-trap loob ng gumuhong warehouse sa kasagsagan ng pagbayo ng malakas na hangin.
Samantala, nalubog naman sa daluyong o storm surge ang runway ng Kansai International Airport sa Osaka.
Dahil dito, kanselado ang daan-daang flights na nagresulta ng pagkaka stranded ng may tatlong libong (3,000) pasahero.
Libu-libo na ang nagsilikas partikular sa Kansai Region at Shikoku Island kung saan nasa 1.8 milyong kabahayan ang walang kuryente.
Ang Typhoon Jebi na nag-landfall kahapon ang pinakamalakas na bagyong nananalasa sa Japan sa nakalipas na 25 na taon.
DFA naglabas ng advisory sa mga Pinoy sa Japan
Pinag-iingat na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Filipino community sa Japan sa gitna ng paghagupit ng Typhoon Jebi.
Ayon kay DFA Assistant Secretary Elmer Cato, mino-monitor na nila sitwasyon ng mga Pinoy katuwang ng Philippine Embassy sa Tokyo at Philippine Consulate General sa Osaka.
Tinatayang 280,000 ang mga Filipino na naninirahan at nagta-trabaho sa Japan.
Kabilang ang Osaka Prefecture sa Kansai Region sa mga apektado ng pananalasa ng Typhoon Jebi, na pinaka-malakas na bagyong tumama sa Japan sa nakalipas na 25 na taon.
—-