Hinihintay pa ng pamahalaang lungsod ng Marikina ang resulta ng RT-PCR test ng 34 na evacuees na nauna nang sumailalim sa rapid test.
Ayon kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro, nagsagawa sila ng rapid testing sa mga evacuation center na maraming mga residente ng lungsod ang lumikas dahil sa pananalasa ng bagyong Ulysses.
Kasunod nito, inihayag ni Teodoro na may isang 68-taong-gulang na lalaking evacuee ang nagpositibo sa COVID-19.
Symptomatic ito at kasalukuyan nang nasa isolation facility para hindi na makapanghawa pa.
Batay naman sa isinagawang contact tracing, nabatid na 13 sa mga evacuees ang nakasalamuha ng naturang COVID-19 positive.
Bukod sa banta ng COVID-19, tinututukan din ng pamahalaang lungsod ng Marikina ang banta ng ilang mga sakit na pupwedeng makuha tuwing tag-ulan.
Kung kaya’t ipinag-utos nito ang agarang pagbili ng iba’t-ibang mga gamot.