Pinalawak ng Department of Social Welfare and Development ang saklaw ng guarantee letters matapos lumagda ng kasunduan sa dalawampu’t dalawang ospital, pharmaceutical companies, medical suppliers at therapy centers na tatanggap ng GL para sa mga pasyenteng may medical crisis.
Ayon kay Secretary Rex Gatchalian, ang bagong partnership ay magbibigay ng mas mabilis at maginhawang access sa serbisyong medikal ng mga benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program.
Kabilang sa mga lumagda ang Asian Hospital, Manila Doctors, Philippine Children’s Medical Center, Valenzuela Medical Center, Generika Drugstore, Medgrocer, B Braun Avitum Philippines, at iba pa.
Saklaw ng mga serbisyo ang pagpapa-ospital, pagbili ng gamot, dialysis, at assistive devices.
Paliwanag ng kalihim, layon din ng DSWD na i-automate ang AICS upang mapabilis ang pagproseso ng tulong at masiguro ang on-time na bayad sa mga partner-institusyon.
—sa panulat ni Daniela De Guzman