Dalawa ang patay habang nasa 30 ang sugatan sa pambobomba sa labas ng isang mall sa Cotabato City ilang araw bago ang plebisito para sa Bangsamoro Organic Law.
Dakong alas dos ng hapon nang umalingawngaw ang pagsabog sa tapat ng South Seas Shopping Mall habang abala ang publiko para sa bisperas ng bagong taon.
Ayon kay 6th Infantry Division spokesman Capt. Arvin Encinas, inaalam na nila kung anong grupo ang nagtanim ng improvised explosive device (IED).
Batay aniya sa kanilang imbestigasyon, isa pang IED na naglalaman ng black powder at hinaluan ng hindi pa mabatid na uri ng kemikal na may mabahong amoy ang narekober sa baggage counter ng mall.
MILF chairman kumbinsidong pananabotahe ang pambobomba sa Cotabato City
Kumbinsido si Moro Islamic Liberation Front (MILF) chairman Al Haj Murad Ebrahim na isang uri ng pananabotahe sa Bangsamoro peace process ang pambobomba sa Cotabato City na ikinasawi ng dalawa at ikinasugat ng 20 iba pa.
Ayon kay Ebrahim, nakapagtatakang naganap ang insidente habang naghahanda para sa plebisito para sa Bangsamoro Organic Law sa Enero 29.
Hindi na aniya bago ang ganitong uri ng pag-atake na itinataon tuwing umuusad ang usapang pang-kapayapaan kaya’t dapat nang magsagawa ng malalimang imbestigasyon.
Umapela naman si Murad sa publiko lalo sa mga residente ng Cotabato City na panatilihin ang pagkakaisa upang matiyak ang na manatili ang kapayapaan sa Mindanao.