Naghain na ng reklamong kidnapping at serious illegal detention sa Department of Justice ang pamilya ng isang nawawalang “sabungero” laban sa dalawang lalaking huling nakitang kasama ng biktima sa video.
Personal na inihain ni Ma. Concepcion “Lani” Bautista, asawa ni Michael Bautista, ang reklamo laban sa isang Julie Patidongan alyas ”Dondon” at isang hindi pa natutukoy na suspect.
Si Patidongan at hindi pa nakikilalang lalaki ay nakita sa cellphone video na kasama ni Michael na noo’y naka-posas at palabas ng isang cockfighting arena sa Laguna noong gabi ng April 28, 2021.
Nakilala ng isang testigo at kapatid na lalaki ni Michael si Patidongan bilang Manager ng AA-Cobra farm sa barangay Palasan, Santa Cruz, Laguna, ang mismong lugar kung saan matatagpuan ang sabungan.
Samantala, nakatakdang makipag-usap si Justice secretary Boying Remulla sa pamilya ng mga nawawalang sabungero ngayong araw.