Sisimulan nang ipakalat ngayong araw ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang nasa 11 libong Pulis sa iba’t ibang panig ng Metro Manila.
Ito’y para tiyakin ang seguridad para sa tahimik, maayos at mapayapang pagguita ng mga Katoliko sa Semana Santa habang long weekend naman ito para sa iba.
Ayon kay NCRPO Spokesperson, P/LtCol. Jenny Tecson, inatasan na ni NCRPO Director, P/MGen. Felipe Natividad ang lahat ng District Directors nito na gawin ang ibayong hakbang para sa okasyon.
Partikular aniya rito ang paglalatag ng help desk sa mga places of convergence tulad ng mga Terminal ng Bus, mga Paliparan at Pantalan maging sa mga Simbahan at Mall gayundin sa iba pang mga pook pasyalan.
Dahil dito, pinapayuhan ng NCRPO ang publiko na planuhing maigi ang kanilang pagbabakasyon at tiyaking susunod sa mga itinakdang minimum health protocols kontra COVID 19. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)