Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na wala pa itong inilalabas na wanted poster para kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Allen Rae Co, maglalabas lamang sila ng naturang poster kung matutukoy na kailangan ito at makatutulong sa pag-aresto sa senador.
Tiniyak naman ni Co na nagpapatuloy ang operasyon at intelligence efforts ng PNP. Gagamitin din umano ng pulisya ang lahat ng legal na paraan upang maisakatuparan ang kanilang mandato.
Matatandaang nauna nang naglabas ang PNP ng mga hotline na maaaring tawagan ng publiko upang magbigay ng impormasyon tungkol sa kinaroroonan ni Dela Rosa.

